Sunday, June 24, 2007

upos

sa bawat mong pag-alis:

pupulutin ko. iipunin
bawat sandaling nalaglag
tulad ng mga upos
sigarilyo sa sahig.

ika'y usok muling
sumanib sa hangin
ako’y bakas
sa sulok itinapon.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa nueva ecija, disyembre 1997

Saturday, June 23, 2007

alimuom

walang imik ang mga pilapil
mahigpit ang halukipkip
sa pinaggapasan, ang sigaw
ng araw, yumayakap
sa malalalim na bitak
tuyong pinitak
bahaw na tinig
hiningang sinikil
bingi ang hangin
sa bawat na dalangin
ngunit alimuom ...

masuyong humaplos
sa makisig na lalaking
tumawid sa kabukiran
upang isilong
kalabaw, nakasuga
sa paghihintay.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha: Marso 1997

Thursday, June 21, 2007

ulan sa pebrero

naghihintay ng ulan
tigang na parang
tinakasan na ng hamog
simula pa lamang
ng tag-araw. ang parang,
paos na humihiyaw
masidhi, pagnanasang
maibsan ang tagtuyot.

lumipad ang alipato
mula sa kalan ng magsasaka
dumapo sa kogonang
tuyot.

nagsimula ang apoy, ngunit,
nagsimula rin
ang ulan.

narito ka,
at narito ako,
sa gitna ng ulan.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa mahabang parang angono, rizal, Marso 1991

Friday, June 1, 2007

sa pilapil ng taludturan

Bahagya pa lamang akong nagpapakabihasa
Na mamilapil sa taludturan
Paa ko’y dumadaplis pang minsan
Nasusugat, natitinik ng subyang sa paghakbang
Pagdama sa katagang sumisibol sa linang.

Sa paghahasik ng mga salita
Punla ko’y karanasang
Binunot sa parang, sa aklat, kaya’t
Talim ng ugit ang hanap
Ng bawat kaisipang supling ng panulat.

Pagkat ako’y makatang nagsusumikap
Matibay ang pagnanais na mag-ugat
Sa lupa, upang linamnam ng paglaya
Ay gintong mga butil na aanihin
Ugat ng kahirapan ay uusigin.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa nueva ecija, 20 Agosto 1997