Saturday, November 24, 2007

alimuom: intro

alam mo, jeje, nung bata pa ako, kabilin-bilinan ni ina na huwag lalabas ng bahay kapag mainit ang panahon tapos biglang umulan. hindi ba, nilalagyan pa ng vicks ang ilong. kasi daw, sasakit ang tyan, magtatae o kaya lalagnatin kapag nasinghot ang alimuom.

pero nitong huli, iba na ang dating ng alimuom (lalo na nung ako'y nasa kapatagan ng central Luzon). sa gitna ng palayan, habang nakatunganga ka sa loob ng kubo at nagkukuyakoy na nakatanghod sa kabukiran, may kakaibang bango ang singaw ng lupa kapag nabubuhusan ng ulan. hindi na masangsang sa ilong. hindi na nakakasakit ng tyan... bagkus, nakakahalina, nakakawili, nakakalibog... ang alimuom.

at kahit nga dito sa disyerto (kung saan tayo naroon ngayon), para bang mayroon laging pagdiriwang ang tigang na lupa kapag dumarating ang ulan.



siguro, ang tulang ito ang magpapaliwanag ng lahat sa likod ng blog na ito (yun ay kung masasakyan nyo ang ibig kong sabihin).

Alimuom
by andrew mangampo ociones
(1997)

walang imik ang mga pilapil
mahigpit ang halukipkip
sa pinaggapasan, ang sigaw
ng araw, yumayakap
malalalim na bitak
ng tuyong pinitak
bahaw na tinig
ng hiningang sinikil
habang nananatiling
bingi ang hangin
sa bawat na dalangin.

ngunit,
asingaw alimuom ...
ang masuyong humaplos
sa makisig na lalaking
tumawid sa kabukiran
upang isilong

kalabaw, nakasuga
sa paghihintay.

#

No comments: