Sunday, August 12, 2007

kay Li Po*

Pagkat tulad mo,
inayaya ako ng dakilang musa
hinayuma ng mga lira, tinitipa
ng hangin sa linang; sinapupunang
nayon malayo sa dampulay
magagarang palasyo
ng mga emperador; umusbong
itong aking panulat.

Kaya’t halina, uminom tayo
languin natin ang ating panulat
sa katubusan ng maralita
silang inaagawan ng pawis
ng mga panginoon.

Ngunit hindi tulad mo,
'di ako nangangarap makipagpingking
balikat sa mga dakila at pinili
mga emperador ng aking panahon
upang umani ng mga palakpak;
hindi sa alagatang tumatayog
nagkakaroon ng silbi
itong aking panulat.

Kaya’t halina, uminom tayo
sa batis ng mithiin ng mga anakpawis -
Magsikap tayong tumula
ng pag-ibig, pag-aalay sa musa ng paglaya.

~ tula ni a. m. ociones
~ nilikha sa Albay, Enero 1998


-------------------------------------

*Li Po, Ancient Chinese poet (701--762 A.D.) also Romanised as Li Pai, Li T'ai-po, etc.

Sunday, August 5, 2007

buong muli

inutil. walang silbi, ang mga salita
hangin lamang na nagdaraan, sa mga mata ko
kahit anong pisil sa gatilyo ng baril na tangan
walang punglo na handang lumaban

pagod. hindi kayang tumindig
ang tinig, paos upang salagin
lagalag na hangin; salitang napipilan
sa baril ko tumatahan.

basag. lamat sa pagkatao'ng bumabakat
bawat pisil sa gatilyo, punglong
sumasabog sa dibdib ko ang bawat kataga
katotohanan, aminado, oo, kasalanan ko

ang lahat! walang maitatago.
ako ngayo'y disyertong malawak, buhanging
isinasabog ng hangin lunggati ko't pangarap.

lahat? lahat! inutil, pagod, basag
iputok man sa kaaway gatilyo at punglo
pipinsala lamang, hindi magbubuo

muli, hindi na mabubuong muli.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa riyadh, September 2004

Friday, August 3, 2007

ressing

Hihimlay akong haplos ng mga talulot ng tanduyong
Pinagtiyagaan nating himayin nang buong magdamag
At yakap ng iyong mga titig, habang hinihimay ang mga salita.
Idinuduyan ako ng iyong malamyos na tinig,
Nagpapainit sa gabing malamig tulad ngayon,
Pinuyat natin ang gabi, para sa bukang-liwayway.

Hahagkan ako ng malagkit na inangit
Pinakahalu-halo nating maigi sa pulot,
Upang ikumot, ang bawat salita, bawat kuwentong
Bumigkis nang pagkahigpit
Sa bawat palito ng binhing hinimay,
Pinutulan ng dahon,
Inalisan ng maitim na mantsa;
Sinuklayan ng tuyong dahon.

Sa wakas, na-ressing nang lahat ang binhi.
Handa na ang latag para sa ating dalawa.
Napatubigan na rin ang pinitak.
Matulis na ang asad.
Kaya’t halika, halika na,
Makikipagtalad tayong muli
Sa lupa, sa pagtatanim ng sibuyas, at
Pagsilang ng bagong araw.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa San Jose City, Disyembre 1994

ressing (ang paliwanag)

Sa Hilagang Nueva Ecija (kung saan naghahalo ang mga nagsasalita ng Tagalog at Iluko), kapag ang binata ay nagdesisyon nang magsarili sa pagtatanim ng sibuyas, ibig sabihin, mag-aasawa na ito pagdating ng anihan. Karaniwang nakukumpirma ng madla ang relasyon ng binata at dalaga sa paghahanda ng binhi - sa paghihimay ng mga binhi, o pagre-ressing.

Maraming nahihirapan intindihin ang tulang ito dahil kakaiba ang lenggwahe - malalim daw ang Tagalog. Siguro may mga termino lang na hindi pamilyar sa lahat, tulad ng mga sumusunod:

Ressing: paghihimay ng binhi (paghahanda para sa pagtatanim) ng tanduyong, karaniwang ginagawa sa magdamag, dahil kailangang maitanim ito pagsikat ng araw. malalanta ang binhi kapag pinagtagal pa bago maitanim.

Tanduyong: variety ng sibuyas, mas kilala bilang "sibuyas tagalog" (yung sariwang dahon nito ang ginagayat at isinasahog sa goto).

Inangit: malagkit na bigas, isinaing sa gata ng niyog at nilagyan lang ng asin. parang biko na walang asukal.

Palito: bawat stick ng binhi ng tanduyong

Latag: ang pagtatamnan ng tanduyong ~ pinaggapasan (palayan na inani na ang palay), pinatuyo tapos tinakpan ng dayami (yung natuyong tangkay ng palay).

Pinitak: parsela o subdivision ng bukirin o palayan. ang boundary nito ay tinatawag na pilapil.

Asad: kahoy na korteng "L" o handle ng payong at matulis ang isang dulo. ginagamit ito para butasan ang lupa (sa latag) at doon isu-shoot ang palito ng binhi.