Saturday, July 28, 2007

ang lalaki sa kabila ng kalsada

Lagi kong pinagmamasdan
ang lalaki sa kabila ng kalsada.

Siya, na ang matatag na tindig
balaning umaakit ng pagtatangi
sa mata kong umaapuhap ng silahis
malikmatang araw sa asero
lumalabay na bisig niyang
buong buo, hindi tulad ko:

Binibilang ang bawat pitik sa dibdib
sa mga sasakyang yumayao't
parito sa lansangan.

Lumulutong bawat niyang halakhak
pagsilip ng ngiti sa maamong mukha
ng babaeng kasama niya roon palagi,
halik sa siphayong pumipintig
ang tinig niyang lumulunod

Sa magaspang na pag-ungol
ng bawat sasakyang umarangkada
papalayo sa akin.

At habang kanyang kinakalong
panganay ng pakikipagtalad sa mga ulap
nag-aanyaya bawat niyang ngiti
pinatingkad ng sikat ng araw
sa nangungusap niyang mga mata
habang lumalabo ang aking paningin

Nilalambungan ng makapal na usok na naiiwan
ng bawat sasakyang pumapaspas na lumisan.

Maiksi lamang ang pagitan palapit

Ang lalaki sa kabila ng kalsada
nitong aking pagkatao

Ngunit sa bawat kong pagpupumilit na humakbang
hinihila akong pabalik ng aking karuwagan
nililigis, dinudurog sa sementong lansangan

Upang sa aking kanlungan ako'y muling
mapaatras.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa Victory Bus Terminal (Quezon City), 1997

No comments: