Sunday, August 12, 2007

kay Li Po*

Pagkat tulad mo,
inayaya ako ng dakilang musa
hinayuma ng mga lira, tinitipa
ng hangin sa linang; sinapupunang
nayon malayo sa dampulay
magagarang palasyo
ng mga emperador; umusbong
itong aking panulat.

Kaya’t halina, uminom tayo
languin natin ang ating panulat
sa katubusan ng maralita
silang inaagawan ng pawis
ng mga panginoon.

Ngunit hindi tulad mo,
'di ako nangangarap makipagpingking
balikat sa mga dakila at pinili
mga emperador ng aking panahon
upang umani ng mga palakpak;
hindi sa alagatang tumatayog
nagkakaroon ng silbi
itong aking panulat.

Kaya’t halina, uminom tayo
sa batis ng mithiin ng mga anakpawis -
Magsikap tayong tumula
ng pag-ibig, pag-aalay sa musa ng paglaya.

~ tula ni a. m. ociones
~ nilikha sa Albay, Enero 1998


-------------------------------------

*Li Po, Ancient Chinese poet (701--762 A.D.) also Romanised as Li Pai, Li T'ai-po, etc.

Sunday, August 5, 2007

buong muli

inutil. walang silbi, ang mga salita
hangin lamang na nagdaraan, sa mga mata ko
kahit anong pisil sa gatilyo ng baril na tangan
walang punglo na handang lumaban

pagod. hindi kayang tumindig
ang tinig, paos upang salagin
lagalag na hangin; salitang napipilan
sa baril ko tumatahan.

basag. lamat sa pagkatao'ng bumabakat
bawat pisil sa gatilyo, punglong
sumasabog sa dibdib ko ang bawat kataga
katotohanan, aminado, oo, kasalanan ko

ang lahat! walang maitatago.
ako ngayo'y disyertong malawak, buhanging
isinasabog ng hangin lunggati ko't pangarap.

lahat? lahat! inutil, pagod, basag
iputok man sa kaaway gatilyo at punglo
pipinsala lamang, hindi magbubuo

muli, hindi na mabubuong muli.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa riyadh, September 2004

Friday, August 3, 2007

ressing

Hihimlay akong haplos ng mga talulot ng tanduyong
Pinagtiyagaan nating himayin nang buong magdamag
At yakap ng iyong mga titig, habang hinihimay ang mga salita.
Idinuduyan ako ng iyong malamyos na tinig,
Nagpapainit sa gabing malamig tulad ngayon,
Pinuyat natin ang gabi, para sa bukang-liwayway.

Hahagkan ako ng malagkit na inangit
Pinakahalu-halo nating maigi sa pulot,
Upang ikumot, ang bawat salita, bawat kuwentong
Bumigkis nang pagkahigpit
Sa bawat palito ng binhing hinimay,
Pinutulan ng dahon,
Inalisan ng maitim na mantsa;
Sinuklayan ng tuyong dahon.

Sa wakas, na-ressing nang lahat ang binhi.
Handa na ang latag para sa ating dalawa.
Napatubigan na rin ang pinitak.
Matulis na ang asad.
Kaya’t halika, halika na,
Makikipagtalad tayong muli
Sa lupa, sa pagtatanim ng sibuyas, at
Pagsilang ng bagong araw.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa San Jose City, Disyembre 1994

ressing (ang paliwanag)

Sa Hilagang Nueva Ecija (kung saan naghahalo ang mga nagsasalita ng Tagalog at Iluko), kapag ang binata ay nagdesisyon nang magsarili sa pagtatanim ng sibuyas, ibig sabihin, mag-aasawa na ito pagdating ng anihan. Karaniwang nakukumpirma ng madla ang relasyon ng binata at dalaga sa paghahanda ng binhi - sa paghihimay ng mga binhi, o pagre-ressing.

Maraming nahihirapan intindihin ang tulang ito dahil kakaiba ang lenggwahe - malalim daw ang Tagalog. Siguro may mga termino lang na hindi pamilyar sa lahat, tulad ng mga sumusunod:

Ressing: paghihimay ng binhi (paghahanda para sa pagtatanim) ng tanduyong, karaniwang ginagawa sa magdamag, dahil kailangang maitanim ito pagsikat ng araw. malalanta ang binhi kapag pinagtagal pa bago maitanim.

Tanduyong: variety ng sibuyas, mas kilala bilang "sibuyas tagalog" (yung sariwang dahon nito ang ginagayat at isinasahog sa goto).

Inangit: malagkit na bigas, isinaing sa gata ng niyog at nilagyan lang ng asin. parang biko na walang asukal.

Palito: bawat stick ng binhi ng tanduyong

Latag: ang pagtatamnan ng tanduyong ~ pinaggapasan (palayan na inani na ang palay), pinatuyo tapos tinakpan ng dayami (yung natuyong tangkay ng palay).

Pinitak: parsela o subdivision ng bukirin o palayan. ang boundary nito ay tinatawag na pilapil.

Asad: kahoy na korteng "L" o handle ng payong at matulis ang isang dulo. ginagamit ito para butasan ang lupa (sa latag) at doon isu-shoot ang palito ng binhi.

Saturday, July 28, 2007

ang lalaki sa kabila ng kalsada

Lagi kong pinagmamasdan
ang lalaki sa kabila ng kalsada.

Siya, na ang matatag na tindig
balaning umaakit ng pagtatangi
sa mata kong umaapuhap ng silahis
malikmatang araw sa asero
lumalabay na bisig niyang
buong buo, hindi tulad ko:

Binibilang ang bawat pitik sa dibdib
sa mga sasakyang yumayao't
parito sa lansangan.

Lumulutong bawat niyang halakhak
pagsilip ng ngiti sa maamong mukha
ng babaeng kasama niya roon palagi,
halik sa siphayong pumipintig
ang tinig niyang lumulunod

Sa magaspang na pag-ungol
ng bawat sasakyang umarangkada
papalayo sa akin.

At habang kanyang kinakalong
panganay ng pakikipagtalad sa mga ulap
nag-aanyaya bawat niyang ngiti
pinatingkad ng sikat ng araw
sa nangungusap niyang mga mata
habang lumalabo ang aking paningin

Nilalambungan ng makapal na usok na naiiwan
ng bawat sasakyang pumapaspas na lumisan.

Maiksi lamang ang pagitan palapit

Ang lalaki sa kabila ng kalsada
nitong aking pagkatao

Ngunit sa bawat kong pagpupumilit na humakbang
hinihila akong pabalik ng aking karuwagan
nililigis, dinudurog sa sementong lansangan

Upang sa aking kanlungan ako'y muling
mapaatras.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa Victory Bus Terminal (Quezon City), 1997

Sunday, July 22, 2007

patak

Sunud-sunod, hanay-hanay
Mabalasik na mga mandirigmang
Nagmamartsa patungo sa labanan
Ang himay-himay ng karanasan

Maling hakbang o daplis na pananaw
Kongkretong igpaw at munting tagumpay

Sa isipan ko’y lumilinaw
Sunud-sunod, hanay-hanay
Nagmamartsa sa bubungan
Ng munti kong tahanan
Ang mga patak ng ulan.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa Nueva Ecija, Marso 1997

Saturday, July 21, 2007

pseudo

idinuduyan ako ng iyong tinig
patungo sa landas ng mga alamid,
doon, kung saan tayo nagtagpo, noon
minsang tag-ulan at mababa
ulap sa bundok Sinombrero, ang iyong hininga
humahaplos sa aking batok.
basa tayo ng pawis sa maghapong paglalakad
sakbat ko ang pangamba sa aking dibdib
yumakap ka sa akin upang langhapin
tsokolateng nakatago sa aking bulsa, sa aking kamay
orkidyas na luray ang inagaw natin
sa mataas na punong narra. nabagting ka pa,
pag-akyat. hindi kita sinalo.

ngayon,
nahihirapan akong huminga. tila
idinuduyan ako ng iyong tinig sa pagtulog
dahil sa

Flutab
for symptomatic relief of cold and flu.
contains pseudo-ephedrine.

#

Translation: Pseudo

your voice hums me slowly to sleep, brings me
to the trodden paths of mountain cats,
there, where we meet for the first time, then
one rainy season when the clouds are low
at Mt. Sinombrero, your breath
caressed my neck.
our bodies wet with sweat from a day-long walk,
i wore my fears on my chest
you embraced me to savor
fragrance of chocolate hidden in my shirt pocket, in my hands
the wilted orchid we robbed
earlier from the tall narra tree where the vines caught you.
you fell - but i didn't catch you.

now, i can hardly breath as if
your voice is soothing me to sleep
because of

Flutab
for symptomatic relief of cold and flu.
Contains pseudo-ephedrine.)


~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa riyadh, 27 December 2004