Tuesday, December 25, 2007

pasko, paksiw

merry christmas, jeje. miss na miss kita.
its 1:59 PM in Pinas, 8:59AM here in saudi arabia.

sa wakas nakausap ko din ang sister ko, a few minutes back. si ermat at si utol na bunso ay natutulog daw, siguro napuyat kakahintay sa tawag ko na kahit anong gawin ko, hindi makalusot. akala ko ba walang pera ang mga tao sa Pinas, pero bakit busy ang lahat ng linya. kunsabagay, sigurado din ako na lahat ng tawag na iyon, incoming.

kagabi, nung 12mn ng Christmas Eve sa atin (7pm naman dito), papunta ako sa ospital para tanggalin ang dressing sa mga sugat ko. huling appointment ko na sa doctor na nagtanggal ng gall bladder ko nung 17th. siempre, nag-iisa na naman ako.

solo ako nung ipasok ko ang sarili ko sa ospital para sa operasyon. halos solo-solo din ako dun sa mahigit 36 hours na nagpapagaling ako sa ospital maliban na lang nung dumalaw ang dalawang kaopisina pagkatapos ng trabaho nung 17th at nung ihatid ako pauwi ng kapatirang Singles nung 18th. pero ganito naman talaga ang buhay dito sa saudi. kailangan masanay na sa pag-iisa.

kagabi din, nagluto ng pancit bihon ang mga ka-flat para daw sa Noche Buena pero nag-iisa lang akong kumain -- kasi yung dalawa nangapit-bahay kung saan madami raw ang handa; yung isa naman, busy sa harap ng laptop nya- nagbo-boggle supreme.

buti na lang, dumaan si Ken, me hatak-hatak pa na dalawang Bikolano na noon ko lang nakita. ang ending, naubos ang pancit at samoli na inihain nina flatmate. well, at least jeje, me nakausap ako habang kumakain.

hanggang sa opisina, mabigat ang pakiramdam ng Pasko. sarado ang apat na executive office na nakapalibot sa akin, maliban dun sa praning na executive na kinakausap ang sarili habang nagtse-check ng daily bank position. alam ba nilang araw ng Pasko ngayon? malay naman nila e Muslim silang lahat.

mabuti pa kila reynz, pwedeng-pwede na mag-senti with full dramatic effect: tatanawin ang nahuhulog na snow sa bintanang foggy dahil sa lamig habang nagki-click ang apoy sa fireplace at tumutugtog ang radio:

"chestnut roasting on an open pyre
jack frost nipping up your nose...
yuletide carolers being strung on a wire,
and folks dressed like Eskinol...
everybody knows a turkey eats some mistletoe
to make the season bright;
tiny tots with their eyes all a-glow...
you'll find it hard to sleep tonight..."

maligaya ang pasko

Merry Christmas everybody!

Monday, December 3, 2007

methane gas

hindi ko alam kung saan nanggaling ito, pero share ko na din sa inyo...

The following bulletin is being issued as a warning due to its explosive nature (especially those residing overseas):

The Glorietta blast is being blamed by our police on methane gas from shit under the old makati supermarket building. Ever since the police made their report known, the world is both laughing and fearing Filipinos, as the people with the most explosive shit in the world.

Scientists from Russia, the US and China are now analyzing the typical Filipino's diet to learn what could produce shit with such an explosive force.

The Harvard Medical School have come out with a preliminary conclusion that it is the strange mixture of bagoong, dinuguan and balot combined that give Filipinos' shit their explosive nature.

Steps are also being discussed among airport managers worldwide to ask Filipinos to empty their colons before boarding planes lest they bring explosive material on board.

In news elsewhere, several Filipinos were kidnapped in Afghanistan and Iraq, supposedly by Arab terrorists. The kidnapped Filipinos are being asked to produce shit to be made into bombs for suicide missions.

The US State Dept fearing deadly consequences from these shit-IED's have assigned Delta Force operatives to keep watch over all Filipinos abroad to prevent any more Filipinos (and their shit) from falling into the hands of terror groups!

Saturday, November 24, 2007

alimuom: intro

alam mo, jeje, nung bata pa ako, kabilin-bilinan ni ina na huwag lalabas ng bahay kapag mainit ang panahon tapos biglang umulan. hindi ba, nilalagyan pa ng vicks ang ilong. kasi daw, sasakit ang tyan, magtatae o kaya lalagnatin kapag nasinghot ang alimuom.

pero nitong huli, iba na ang dating ng alimuom (lalo na nung ako'y nasa kapatagan ng central Luzon). sa gitna ng palayan, habang nakatunganga ka sa loob ng kubo at nagkukuyakoy na nakatanghod sa kabukiran, may kakaibang bango ang singaw ng lupa kapag nabubuhusan ng ulan. hindi na masangsang sa ilong. hindi na nakakasakit ng tyan... bagkus, nakakahalina, nakakawili, nakakalibog... ang alimuom.

at kahit nga dito sa disyerto (kung saan tayo naroon ngayon), para bang mayroon laging pagdiriwang ang tigang na lupa kapag dumarating ang ulan.



siguro, ang tulang ito ang magpapaliwanag ng lahat sa likod ng blog na ito (yun ay kung masasakyan nyo ang ibig kong sabihin).

Alimuom
by andrew mangampo ociones
(1997)

walang imik ang mga pilapil
mahigpit ang halukipkip
sa pinaggapasan, ang sigaw
ng araw, yumayakap
malalalim na bitak
ng tuyong pinitak
bahaw na tinig
ng hiningang sinikil
habang nananatiling
bingi ang hangin
sa bawat na dalangin.

ngunit,
asingaw alimuom ...
ang masuyong humaplos
sa makisig na lalaking
tumawid sa kabukiran
upang isilong

kalabaw, nakasuga
sa paghihintay.

#

Sunday, October 7, 2007

pahimakas sa apoy

1.
mangangarap ang buwan
hihimlay tamis sa iyong mga bisig
yayakap ng buong higpit
mga bituin, upang
iduyan ka sa hangin
at aawit ng oyayi
mga kuliglig sa kaparangan

2.
sasanib sa hangin
hihimlay sa naiwang abo
ang pinagsaluhang apoy

~ tula ni A. Mangampo Ociones
~ nilikha sa antipolo city, 1991. nirebisa, 1997

Sunday, August 12, 2007

kay Li Po*

Pagkat tulad mo,
inayaya ako ng dakilang musa
hinayuma ng mga lira, tinitipa
ng hangin sa linang; sinapupunang
nayon malayo sa dampulay
magagarang palasyo
ng mga emperador; umusbong
itong aking panulat.

Kaya’t halina, uminom tayo
languin natin ang ating panulat
sa katubusan ng maralita
silang inaagawan ng pawis
ng mga panginoon.

Ngunit hindi tulad mo,
'di ako nangangarap makipagpingking
balikat sa mga dakila at pinili
mga emperador ng aking panahon
upang umani ng mga palakpak;
hindi sa alagatang tumatayog
nagkakaroon ng silbi
itong aking panulat.

Kaya’t halina, uminom tayo
sa batis ng mithiin ng mga anakpawis -
Magsikap tayong tumula
ng pag-ibig, pag-aalay sa musa ng paglaya.

~ tula ni a. m. ociones
~ nilikha sa Albay, Enero 1998


-------------------------------------

*Li Po, Ancient Chinese poet (701--762 A.D.) also Romanised as Li Pai, Li T'ai-po, etc.

Sunday, August 5, 2007

buong muli

inutil. walang silbi, ang mga salita
hangin lamang na nagdaraan, sa mga mata ko
kahit anong pisil sa gatilyo ng baril na tangan
walang punglo na handang lumaban

pagod. hindi kayang tumindig
ang tinig, paos upang salagin
lagalag na hangin; salitang napipilan
sa baril ko tumatahan.

basag. lamat sa pagkatao'ng bumabakat
bawat pisil sa gatilyo, punglong
sumasabog sa dibdib ko ang bawat kataga
katotohanan, aminado, oo, kasalanan ko

ang lahat! walang maitatago.
ako ngayo'y disyertong malawak, buhanging
isinasabog ng hangin lunggati ko't pangarap.

lahat? lahat! inutil, pagod, basag
iputok man sa kaaway gatilyo at punglo
pipinsala lamang, hindi magbubuo

muli, hindi na mabubuong muli.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa riyadh, September 2004

Friday, August 3, 2007

ressing

Hihimlay akong haplos ng mga talulot ng tanduyong
Pinagtiyagaan nating himayin nang buong magdamag
At yakap ng iyong mga titig, habang hinihimay ang mga salita.
Idinuduyan ako ng iyong malamyos na tinig,
Nagpapainit sa gabing malamig tulad ngayon,
Pinuyat natin ang gabi, para sa bukang-liwayway.

Hahagkan ako ng malagkit na inangit
Pinakahalu-halo nating maigi sa pulot,
Upang ikumot, ang bawat salita, bawat kuwentong
Bumigkis nang pagkahigpit
Sa bawat palito ng binhing hinimay,
Pinutulan ng dahon,
Inalisan ng maitim na mantsa;
Sinuklayan ng tuyong dahon.

Sa wakas, na-ressing nang lahat ang binhi.
Handa na ang latag para sa ating dalawa.
Napatubigan na rin ang pinitak.
Matulis na ang asad.
Kaya’t halika, halika na,
Makikipagtalad tayong muli
Sa lupa, sa pagtatanim ng sibuyas, at
Pagsilang ng bagong araw.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa San Jose City, Disyembre 1994

ressing (ang paliwanag)

Sa Hilagang Nueva Ecija (kung saan naghahalo ang mga nagsasalita ng Tagalog at Iluko), kapag ang binata ay nagdesisyon nang magsarili sa pagtatanim ng sibuyas, ibig sabihin, mag-aasawa na ito pagdating ng anihan. Karaniwang nakukumpirma ng madla ang relasyon ng binata at dalaga sa paghahanda ng binhi - sa paghihimay ng mga binhi, o pagre-ressing.

Maraming nahihirapan intindihin ang tulang ito dahil kakaiba ang lenggwahe - malalim daw ang Tagalog. Siguro may mga termino lang na hindi pamilyar sa lahat, tulad ng mga sumusunod:

Ressing: paghihimay ng binhi (paghahanda para sa pagtatanim) ng tanduyong, karaniwang ginagawa sa magdamag, dahil kailangang maitanim ito pagsikat ng araw. malalanta ang binhi kapag pinagtagal pa bago maitanim.

Tanduyong: variety ng sibuyas, mas kilala bilang "sibuyas tagalog" (yung sariwang dahon nito ang ginagayat at isinasahog sa goto).

Inangit: malagkit na bigas, isinaing sa gata ng niyog at nilagyan lang ng asin. parang biko na walang asukal.

Palito: bawat stick ng binhi ng tanduyong

Latag: ang pagtatamnan ng tanduyong ~ pinaggapasan (palayan na inani na ang palay), pinatuyo tapos tinakpan ng dayami (yung natuyong tangkay ng palay).

Pinitak: parsela o subdivision ng bukirin o palayan. ang boundary nito ay tinatawag na pilapil.

Asad: kahoy na korteng "L" o handle ng payong at matulis ang isang dulo. ginagamit ito para butasan ang lupa (sa latag) at doon isu-shoot ang palito ng binhi.

Saturday, July 28, 2007

ang lalaki sa kabila ng kalsada

Lagi kong pinagmamasdan
ang lalaki sa kabila ng kalsada.

Siya, na ang matatag na tindig
balaning umaakit ng pagtatangi
sa mata kong umaapuhap ng silahis
malikmatang araw sa asero
lumalabay na bisig niyang
buong buo, hindi tulad ko:

Binibilang ang bawat pitik sa dibdib
sa mga sasakyang yumayao't
parito sa lansangan.

Lumulutong bawat niyang halakhak
pagsilip ng ngiti sa maamong mukha
ng babaeng kasama niya roon palagi,
halik sa siphayong pumipintig
ang tinig niyang lumulunod

Sa magaspang na pag-ungol
ng bawat sasakyang umarangkada
papalayo sa akin.

At habang kanyang kinakalong
panganay ng pakikipagtalad sa mga ulap
nag-aanyaya bawat niyang ngiti
pinatingkad ng sikat ng araw
sa nangungusap niyang mga mata
habang lumalabo ang aking paningin

Nilalambungan ng makapal na usok na naiiwan
ng bawat sasakyang pumapaspas na lumisan.

Maiksi lamang ang pagitan palapit

Ang lalaki sa kabila ng kalsada
nitong aking pagkatao

Ngunit sa bawat kong pagpupumilit na humakbang
hinihila akong pabalik ng aking karuwagan
nililigis, dinudurog sa sementong lansangan

Upang sa aking kanlungan ako'y muling
mapaatras.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa Victory Bus Terminal (Quezon City), 1997

Sunday, July 22, 2007

patak

Sunud-sunod, hanay-hanay
Mabalasik na mga mandirigmang
Nagmamartsa patungo sa labanan
Ang himay-himay ng karanasan

Maling hakbang o daplis na pananaw
Kongkretong igpaw at munting tagumpay

Sa isipan ko’y lumilinaw
Sunud-sunod, hanay-hanay
Nagmamartsa sa bubungan
Ng munti kong tahanan
Ang mga patak ng ulan.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa Nueva Ecija, Marso 1997

Saturday, July 21, 2007

pseudo

idinuduyan ako ng iyong tinig
patungo sa landas ng mga alamid,
doon, kung saan tayo nagtagpo, noon
minsang tag-ulan at mababa
ulap sa bundok Sinombrero, ang iyong hininga
humahaplos sa aking batok.
basa tayo ng pawis sa maghapong paglalakad
sakbat ko ang pangamba sa aking dibdib
yumakap ka sa akin upang langhapin
tsokolateng nakatago sa aking bulsa, sa aking kamay
orkidyas na luray ang inagaw natin
sa mataas na punong narra. nabagting ka pa,
pag-akyat. hindi kita sinalo.

ngayon,
nahihirapan akong huminga. tila
idinuduyan ako ng iyong tinig sa pagtulog
dahil sa

Flutab
for symptomatic relief of cold and flu.
contains pseudo-ephedrine.

#

Translation: Pseudo

your voice hums me slowly to sleep, brings me
to the trodden paths of mountain cats,
there, where we meet for the first time, then
one rainy season when the clouds are low
at Mt. Sinombrero, your breath
caressed my neck.
our bodies wet with sweat from a day-long walk,
i wore my fears on my chest
you embraced me to savor
fragrance of chocolate hidden in my shirt pocket, in my hands
the wilted orchid we robbed
earlier from the tall narra tree where the vines caught you.
you fell - but i didn't catch you.

now, i can hardly breath as if
your voice is soothing me to sleep
because of

Flutab
for symptomatic relief of cold and flu.
Contains pseudo-ephedrine.)


~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa riyadh, 27 December 2004

Thursday, July 19, 2007

sandstorm

(para kay dyra)

alimbukay ng alikabok
ang bumati sa umagang
naninikip ang langit

binughan ng pinong buhangin,
mumunting salitang sumama
sa hangin, ngayo'y bihag

ang dibdib sa pangamba
naglulunoy, nangungulila sa liwanag
ng iyong tinig, pag-ibig, salita
paghupa ba ng alikabok

naroroon ka pa?

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa jeddah, 17 July 2007

Friday, July 6, 2007

caffeine shock

we meet somewhere, somehow
and over coffee we sipped
each minute by; our eyes
lock, we kiss, embraced
hot brew that brimmed
over the cup, in our hands -
heat is the rush caffeine
in your lips, sugar on your hips
cream on your bosom -
drowned the din that was
the net, as if
we have known each other
for a lifetime. until

we've finally met face to face
somewhere, somehow

and facing the bottom of the cup
realized

there won't be any refills.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa riyadh, september 2004

Sunday, June 24, 2007

upos

sa bawat mong pag-alis:

pupulutin ko. iipunin
bawat sandaling nalaglag
tulad ng mga upos
sigarilyo sa sahig.

ika'y usok muling
sumanib sa hangin
ako’y bakas
sa sulok itinapon.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa nueva ecija, disyembre 1997

Saturday, June 23, 2007

alimuom

walang imik ang mga pilapil
mahigpit ang halukipkip
sa pinaggapasan, ang sigaw
ng araw, yumayakap
sa malalalim na bitak
tuyong pinitak
bahaw na tinig
hiningang sinikil
bingi ang hangin
sa bawat na dalangin
ngunit alimuom ...

masuyong humaplos
sa makisig na lalaking
tumawid sa kabukiran
upang isilong
kalabaw, nakasuga
sa paghihintay.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha: Marso 1997

Thursday, June 21, 2007

ulan sa pebrero

naghihintay ng ulan
tigang na parang
tinakasan na ng hamog
simula pa lamang
ng tag-araw. ang parang,
paos na humihiyaw
masidhi, pagnanasang
maibsan ang tagtuyot.

lumipad ang alipato
mula sa kalan ng magsasaka
dumapo sa kogonang
tuyot.

nagsimula ang apoy, ngunit,
nagsimula rin
ang ulan.

narito ka,
at narito ako,
sa gitna ng ulan.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa mahabang parang angono, rizal, Marso 1991

Friday, June 1, 2007

sa pilapil ng taludturan

Bahagya pa lamang akong nagpapakabihasa
Na mamilapil sa taludturan
Paa ko’y dumadaplis pang minsan
Nasusugat, natitinik ng subyang sa paghakbang
Pagdama sa katagang sumisibol sa linang.

Sa paghahasik ng mga salita
Punla ko’y karanasang
Binunot sa parang, sa aklat, kaya’t
Talim ng ugit ang hanap
Ng bawat kaisipang supling ng panulat.

Pagkat ako’y makatang nagsusumikap
Matibay ang pagnanais na mag-ugat
Sa lupa, upang linamnam ng paglaya
Ay gintong mga butil na aanihin
Ugat ng kahirapan ay uusigin.

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa nueva ecija, 20 Agosto 1997